Sintesis sa Alamat ng Gubat ni Bob Ong(Sintesis)

Sintesis sa Alamat ng Gubat ni Bob Ong

Ipinapalagay sa pag- aaral na ang katiwalian na nangyayari tuwing kampanya sa eleksyon sa Pilipinas patungo sa paghahalal hanggang sa pagtatalaga ng isang lider ng bansa ay may pagkakatulad sa kwentong Alamat ng Gubat ni Bob Ong.

Bago ganapin ang pagluluklok ng bagong lider na uupo sa posisyon, bahagi na ng proseso na dadaan muna sa pangangampanya ang mga politiko upang makuha ang loob ng karamihan. Maaaring maging sa iba’t ibang paraan patunayan ng mga kandidato sa mga tao ang karapatan sa termino, kabilang dito ang mga plataporma kung saan ilalatag ang mga pangakong gagawin kapag nakaupo na sa termino. Ang ganitong pangyayari sa mundo ng politika ay maihahambing sa isang eksena sa Alamat ng Gubat ni Bob Ong kung saan matagumpay na minapula ng kuneho ang desisyon ng mga langgam sa pamamagitan ng imoral at di-matuwid na mga paraan.

“Sa pagkakataong iyon, naghagis si kuneho ng isang malaking tipak na tae sa kanyang harapan at nagsabing: “Downpayment pa lang yan sa mga boboto sa akin!” Gaya ng inaasahan, dagsang lumapit ang mga langaw sa kanyang kampo sa isang kisapmata.”

Kung ang batayan ay ang tatlong presidential debates na ginanap noong 2016, walang makikita na pangakong bago para sa bayan, “Pauunlarin ko ang bansa, iaangat ko ang mga mahihirap na kababayan…” (Verzola, “Pangako ng Politiko, Napapako Pa Rin” p3.). Bawat isa sa mga kandidato ay isinasaad ang kani- kanilang mga solusyon at plano, ngunit sa maraming dekada nang naririnig ang mga katagang ito. Hitik sa mga pangako at maging ng mga patutsada na nais lamang palitan ang administrasyon. Marahil, dahil dito, may kapangyarihan na, may nakukuha pang yaman. Sa madaling salita, natutukso ang mga kandidato sa maaaring makuha at mapakinabangan sa oras na makuha ang posisyon kaya’t sa abot ng makakaya, bumibitaw ng pangako ngunit sa huli, hindi ito pinapanindigan. Kagaya ng pangako ni Pagong, isa sa mga tauhan sa kwentong Alamat ng Gubat ni Bob Ong, na ipaubaya nalang ang puso ng saging kay Tong ngunit hindi napigilan ang sarili dahil sa kasakiman, kung kaya’t napako ang pangakong makapagsilbi sa karamihan.

“Di nagpatalo sa pagmamagandang loob, sumingit si Pagong sa ilalim ni Tong at Aso, “YamanDinLamangAtHindiAkoNapiliBilang- HariNgGubatHayaanNiyoNangMakapagsilbi- AkoSaMgaHayopKahitManLangSaPagkakataongIto… Sandali, sandali! BakaNandyanSiBuwayaSa- ItaasNgPunoAkoNalangAngPipitasNgPrutasKuneho…”

Marami sa mga politiko ang walang kaibahan kina Adan at Eba sa Paraiso. Pare- pareho lamang natutukso at nagpapatukso na sa kalaunan, siya rin mismong nagiging tukso sa huli. Ngunit kapag nagkakabukingan na, ginagaya sina Adan at Eba, nagtuturuan sa kasalanang nagawa (Remate, “Away ng mga Buwaya sa Away Pulitika”). Ang malungkot isipin ay ang kasakiman ng iilang lider ng bansa ay nagdudulot ng kawalan para sa karamihan. Ang kawalan ng hustisya na makakain tatlong beses sa isang araw, magkaroon ng ligtas at maayos na tirahan, makapag- aral ng mabuti, ang karapatang malaman kung ano ang karapatan ng bawat isa. Alam ng lipunan na ang lahat ng mga kandidato ay walang kaibahan sa isa’t-isa. Ang nais lamang nila ay umupo sa pwesto para lalo pang magpayaman gamit ang kapangyarihan. Pero walang nagawa ang kanilang mga kampanya at plataporma kung saan sa simula’t- mula pa lamang ay ang layunin ay hindi para sa kabutihan ng mga tao kundi alang- alang sa mga sarili. Makikita rin kung paano kinakatawan ng mga tauhan sa kwento ang mga sakim at malupit na mga tao mula sa pelikula, kagaya nalang nang mag- agawan ang mga hayop sa pagkuha ng pusong ng saging kung saan sa huli, bumagsak sila at walang nakuha.

“Umakyat si Tong at tinungtungan si Pagong. Pero umakyat na rin si Aso para tuntungan ulit si Tong… na sinundan naman ni Kuneho… na sinundan naman ni Pagong… na sinundan naman si Sadamm.. na sinundan naman ni Tong… na sinundan ng pagbagsak nilang lahat.”

Samakatuwid, ang mga tao ay tanging instrumento lamang upang makuha ang kapangyarihan na inaasam- asam mula sa itaas. Sa pagkakataong ito ay dapat maging mapanuri sa mga sasabihin ng mga kumakandidatong pulitiko sa bayan. Paulit-ulit ang mga pangako na isinasaad dahil hindi naman ito nagagawa pagkatapos ng eleksyon. Kung nais gumawa ng bagong mahahalal na pangulo ng isang pagbabago sa termino ay maaari niyang simulan sa pamamagitan ng paglutas sa problemang ito ng transportasyon. Maaari din silang mag-alok ng mga trabaho na matiyak ang pang-araw-araw na pinansiyal na usapin ng isang indibidwal upang mabawasan ang mga isyu sa lipunan na kinakaharap ng bansa. Ang sakit ng maraming pulitiko sa Pilipinas ay ang pag- iisip at pagtanaw sa sarili bilang Diyos na may kapangyarihan na basta kayang gawin ang ipinangako nang walang basehan at paliwanag. (Tulfo, “Kongkretong Plataporma Para Sa Bayan.”) Sa huli, ang lahat ang nagagantso kapag nakaupo na ang mga di- makatuwiran na mga politiko. Ang mga pulitiko ay kailangang palitan nang madalas at para sa parehong dahilan. Alamin kung ano ang balak ng mga kandidato para guminhawa ang buhay ng bawat nagbabayad ng buwis at magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga Pilipino. Dapat isandal ang pagdedesisyon batay sa kung ano ang nais ng Pilipino para sa sariling bansa.

 

-PAQUIBOT, ANGEL GRACE HUMSS- LAW

Leave a comment