Ipinapakita sa kwentong Alamat ng Gubat ni Bob Ong na taliwas sa pagiging “aklat pambata” ng libro ay nagpapakita ito ng iba’t ibang isyu na sumasalamin sa realidad ng politika sa Pilipinas.
Kilala si Bob Ong bilang isang manunulat na bibibigyang depiksyon ang mga isyu ng bansa gamit ang mga gawa nito. Sa kwentong alamat ng gubat na nailimbag sa taong 2003, hindi makakailang nais ng awtor na ipamulat ang mga mambabasa hindi lamang sa sitwasyong panlipunan at iba’t ibang klase ng Pilipinong mamamayan ngunit binibigyang diin din ang mga isyung politikal ng bansa na talamak sa nagdaang panunungkulan kung kailan nailimbag ang aklat na makikita pa din hanggang sa kasalukuyan.
Sa unang pagsalaysay ng kwento, ipinapapakilala ang karakter na si “buwaya” na nakilala ni Tong sa unang tapak pa lamang nito sa gubat na ang ugaling isinasabuhay ay pagiging “kurakot” dahil sa bawat mga salitang binibitawan nito ay may kaakibat na kapalit. Kung i-uugnay sa totoong pangyayari, makikita dito na tila ba pinagbabasehan ng awtor ang isyung nangyari noong nagdaang panunungkulan ng isang kilalang presidente ng bansa sa taong 1998 kung saan ani nito, “sa aking administrasyon, walang kamag-anak, walang kumpadre, walang kaibigan.” Isang pangakong pinaniwalaan ng lahat na nagresulta sa pagkapanalo nito sa halalan kung saan ay humantong sa pagkawasak matapos lumabas ang mga isyung pagtataksil nito sa sambayanan: isyu ng korapsyon, pagsusugal, pagnanakaw, panunuhol, jueteng at paglabag sa konstitusyon. (Capulong., “Nature of Complaint”)
Kung iisipin, kapansin-pansin sa bansa na minsan ang mga plataporma at mabulaklaking salita sa mga tatakbong opisyal ay madalas na napapako na nagbubunga sa pagkawala ng tiwala ng mga mamamayan. Gaya lamang ng ugali ni “buwaya”, na walang isang salita at paninindigan na kung saan ay nagdulot ng pagkatakot at pagkadismaya sa pangunahing tauhan.
Sa pangalawang senaryo sa kuwento ay nakakapukaw ng atensiyon ang pagkalito ni Tong. Sa kadahilanang, bawat pagtapak nito paloob ay ang unti-unting pagdami din ng mga hayop na umaangkin sa titulong “Hari ng Gubat”. Una, ang pagkilala ni Tong kay “Buwaya” bilang isang hari ng gubat. Sumunod naman si Leon, na buong tapang na ipinangalandakan ang kilalan bilang isa ring “Hari ng gubat” na nagtulak sa bida na magtanong na “Sino ba ang totoong hari?”.
Sa pagpapakilala sa mga tauhan at pagsalaysay sa mga pangyayari sa loob ng gubat, mahihinuha ang isyung pagka-uhaw at pag-aagawan ng ‘kapangyarihan’ ng mga karakter sa kwento na maaaring maiihalintulad sa iba pang mga opisyal sa bansa. Upang lubos na maipaliwanag, maihahalintulad ang eksenang ito noong nagdaang senaryo noong taong 2000, kung saan ang “kapangyarihan ng isang pangulo” ay lubos na nagdulot ng pagkalito sa mga mamayan sapagkat may nangyaring pag-aagawan sa pagitan ng kasalukuyang presidente at ng bise-presidente nito. Ang ugat ay nagsimula sa pagkabisto ng kasalukuyang presidente sa mga illegal na gawain nito kaya inutos agad ng Suprema ang pagtanggal nito sa pagkakaluoklok sa pwesto kung saan automatikong papalit ang bise-presidente.
Gayunpaman, mahahalata sa bawat linya ng binitawang talumpati ng kasalukuyang presidente noon ang pagdududa nito sa ginawang pagtanggal sa kaniyang kapangyarihan bilang pangulo ng bansa. (J. Puno.,”Office of the Supreme Court”)
“…kasama ko ang maraming iba pang legal na
proseso sa ating bansa, mayroon akong malakas at
seryosong mga pagdududa tungkol sa legalidad at
konstitusyunalidad ng kaniyang pagpapahayag bilang Pangulo,
ngunit hindi ko nais na maging isang rason na
maghahatid ng lubhang pagkabigo sa bansa
sapagkat nais kong maipanumbalik ang
kapayapaan at tamang hanay ng sibilisadong lipunan.”
Dahil dito, nagkaroon ng kagulohan sa pagitan ng mga ka-alyansa ng kasalukuyang presidente at sa mga tagahanga ng bise-presidente. Isang pagtatalo kung saan umiikot sa dalawang opisyal ng bansa na kapagkuwan ay inulan ng debate kung sino sa dalawa ang karapat-dapat na umupo sa pwesto.Sa pagdagdag, ang isyung ito ay naging sentro ng pagtatalo sa Korte Suprema at nagdulot ng rebolusyon sa iba’t ibang panig sapagkat taliwas na utos ng korte sa pagtatalaga sa bise-presidente na pumalit sa pwesto ay lubos naman na pinoprotektahan ng kasalukuyang presidente ang posisyon nito. (Cruz, p1 “Estrada v. Arroyo: Some Reflections”)
Noong isinalaysay ng may-akda ang botohan ng mga insekto at hayop sa gubat, tila ba sinisimbolo ang pagkapanalo ni Tipaklong sa pagkapanalo ng tumatakbong kandidato para pagka-Pangulo sa taong 1998 kung saan intinalagang “landslide” ang resulta ng botohan at pangunahing kandidatong nakatanggap ng maraming boto mula sa mamamayan.
Masasabing magkapareho ang sitwasyon ng pagkapanalo ng dalawa na kung saan ay parehong ibinoto ng mga “langaw” na binubuo ng mga ordinaryong mamamayan o “masa” kung ibabatay sa realidad, may tiwalang ang “kandidatong” yaon ay lubos na makakaintindi sa sitwasyong pinagmulan at makakawasak sa matinding paghihirap na kinalulugmokan. (Dizon.“Condition in the Philippines”.p3)
Ito namang senaryo sa kwento ay isang kabaligtaran sa nangyaring botohan ng mga insekto, sapagkat ipinapakilala si “aso” bilang isang hayop na kumakain sa sarili nitong suka na kung iba-base sa isang politikal na isyu, ito ay laganap noong termino ng bansa sa panahong 2001-2004.
Ang pagkakaluklok ng isang kandidato sa terminong 2001-2004 na tinaguriang “pagkain sa sarili nitong suka” sa kadahilanang pandarayang anomalya na naganap at sa pagbilang ng boto, lumabas sa resulta na ang pinanggalingan sa mga konsisteng boto ay nagmula sa mga “taong may mataas ang antas sa estado ng lipunan” na kung lapatan ng pag-aanalisa ay, parehong ang kandidato at mga maboboto nito ay “nagkakainan ng suka”.(Linantud p3-p10)
Sa madaling salita, mga taong nagsasabwatan sa likod ng mga sambayanan na ang pagkaganid sa kapangyarihan ay nagtulak ng pandaraya na umabot sa puntong pagkakainan ng suka ng isa’t isa.
Sa senaryo naman ng pagtitipon ng mga insekto para sa “Eleksiyon” sa pagpili ng hari sa gubat, mabibigyang pansin ang agarang paglipat ng mga langaw na noon pa man ay kasangga ni tipaklong, matapos bigyan ng suhol ni kuneho na maihahalintulad sa kaganapang pandaraya ng administrasyon noong 2004 o mas kilala bilang “Hello Garci Scandal”. Ito ay isang “tape” na mabilisang kumalat noong panahon ng eleksiyon ng taong 2004 na kung saan ang nilalaman ay; nagpapahiwatig ng pagsasabwatan ng kasalukuyang tumatakbong presidente at ng pinuno COMELEC upang i-manipula ang halalan noong 2004 upang manalo ng hindi bababa sa 1 milyong boto laban sa malapit na karibal nito na si FPJ kung saan may “suhol” na naganap. (Bernas, Fr. Joaquin G., Commentary: “Playing the Tapes”).
Ang krisis na patungkol sa politika ay hindi na bago sa madlang Pilipino. Kung susuriin, ang pandaraya ay isang malaking isyu maging ang abuso sa kapangyarihan at pagbibili ng boto. Nakakalungkot lamang na ito ay limitang nabibigyan ng pansin na laganap hanggang ngayon. (Remonde, Cerge, “Snap Elections?” Manila Bulletin., p.11)
Sa pagsalaysay sa nalalapit na pagtatapos ng kwento, ang pagkapanalo ni langgam ngunit ang mabilisang pagkamatay nito ay isinalaysay maging ang pagkamatay ng iba’t ibang mga insekto pagkadating ng tinaguriang mga hayop na hari sa gubat. Ito ay hinahalintulad sa eleksyon na nangyari noong eleksiyon sa taong 2001 kung saan pinipilit na ipabalik sa puwesto ang dating Pangulo na kung saan ay nakapagdulot ng maraming sugatan at nasawi. Naagaw din maging nito ang atensyon ng parehong lokal at internasiyonal medya.
Ang halalan sa Pilipinas ay nananatiling hindi ligtas: halos 1,000 katao ang pinatay o nasugatan tuwing may nagyayaring argumento,vendetta, at mga pag-atake sa mga partisano, kandidato, at mga canvasser.(Linantud.,p84“The 2004 Philippine Elections:Political Change in an Illiberal Democracy”)
Sa iba, pinaniniwalaan na ang kasaysayan ng pagiging “korap” ng isang politiko sa bansa ay kadahilanang gutom at uhaw sa kayamananan ngunit kung susuriin ang kasaysayan ng Pilipinas kung kailan naganap ang kauna-unahang kilalang ‘korapsiyon’ ay sa taong 1898, na pinaniniwalaang iba ang dahilan; Ang korapsyon ay hindi pilit na ginagawa upang makamit ang kaban ng bayan ngunit ito ay nangyayari dahil sa ”pagka-uhaw ng kapangyarihan” ng kandidato.
Ang ugat na ito ang nag-impluwensiya ng masamang hangarin sa iba pa na sa bawat takbo ng panahon ay ito rin naman ang unti-uting nagbigay daan sa mga iba’t ibang anomalyang laganap noon maging hanggang sa ngayon. (J. S. Asian Stud. 01 (03) 2013. p55-61)
Kahit na naisulat at nailimbag ang “Alamat ng Gubat” sa kontemporaryo/modernong panahon, ang mga isyung binibigyang diin nito ay sakop maging ang mga pangyayari sa kasaysayan ng bansa hanggang sa mga terminong nagdaan. Ayon kay George Santayana, “Silang hindi natatandaan ang nakaraan, ay hinahatulang uulitin ito.” Na nangagahulugang ang kasalukuyan ay isa lamang produkto ng kasasaysayan.
Lahat ng pangyayari sa bansa; sa panlipunan man o politikal na aspeto ay parehong may ugat na pinagmumulan. Sa muling pagpapaliwanag, ang akdang “Alamat ng gubat” ay hindi lamang nakapokus sa pagiging “satire” na nagbibigay aliw sa mga mambabasa ngunit kung uusisain ng may malalimang pag-unawa, ay makikita ang iba’t ibang politikal na isyung matagal ng laganap noon pa man na masasalamin maging hanggang ngayong modernong kapanahonan.
Ang paglimbag ni Bob Ong ng mga ganitong klase ng libro ang pumupukaw sa natutulog na isip ng karamihan sa mga Pilipino upang talakayin ang mga problemang hindi nabibigyan ng pansin. Katawa-tawa man na maituturing ang mga linyang binitawan ng bawat karakter, hindi maitatanging sa kaibuturan ng argumento ay may mga isyung nais ipabatid ang may-akda.
Sa huli, ang pagka-uhaw ni Bob Ong na mabuksan ang isip ng mga mambabasa sa mga politikal na pangyayari ay makikita kahit sa unang basa pa lamang ng talata sa kwento, na lubos na pinagdidiinan ang ideyang lahat ay kasangkot at lahat ay may panangutan sa kung ano mang kahihinatnan ng makapilipinong lipunan.
Mga sangguninan:
-INOC, JEA HUMSS- LAW